Thursday, February 17, 2011

Hindi pa nga Agosto...

Malamig ang gabi hindi dahil walang date na nangyari sa Valentines day. Malamig masyado ang gabi ko dahil nakatutok yung aircon sa akin. Pakiramdam ko tuloy na naninigas na hindi lang ang katawan ko kundi pati utak. Hindi ako pwedeng lumipat at di ko kayang bitbitin ang stone age na kompyuter ko. Eh tinamaan kasi ng magaling ang laptop at nasira. Oo na, alam ko na wala kang pakialaman ngunit ako'y naglalabas lang ng ngitngit at pagkainis sa sinapit ng matalik kong kakampi (yun na nga, yung laptop). Kaya eto, nagtitiis na lang ako. Nagsusulat ako ngayon sa facebook dahil maraming problemang bumabagabag sa aking isipan na nagpupumiglas na makawala upang magsimulang wasakin ang sanlibutan. Di ko naman papayagan at baka makasuhan ako ng destruction of properties ni Mother Nature at ng sambayanan. Mahirap na, wala pa naman akong pera ngayon para tustusan ang paglilitis. Alam ko na nagtataka kayo kung bakit ako nagsusulat sa wikang Filipino. Baka ang nasa isip ninyo na ang sagwa naman na nagsasalita ako sa wikang ito kahit na Cebuana ako. Yung sa mga hindi nagtataka, ihanda niyo na ang mata nyo at talagang gusto kong magpaliwanag. O, eto na ang simula.

Isang araw, natanong ko na lang sa sarili ko habang nagbabasa ako ng facebook kung bakit karamihan sa mga status ng kaibigan at mga di kilalang organismo ay nakasulat sa wikang Ingles. Oo na, ako man ay ginagawa rin ito. Naisip ko, di kaya ginagawa ko ito para magmukhang may pinag-aralan at edukada? Kumatok tuloy yung alaala ko sa kaibahan ng salitang 'literate' at 'educated' na kung saan ang 'literate' ay yung taong nakapag-aral at yung 'educated' ay ang taong ginagamit sa pang-araw-araw ang kanyang natutunan sa loob at labas ng silid aralan. Naglaho na ang alaala pagkatapos kung banggitin ito kaya ako'y babalik na sa paksa. Yun na nga, ang wikang Ingles ba talaga ang sukatan sa pagiging intelihente ng isang tao? Sana maglalaro ang tanong na ito sa inyong isipan.

Mula elementarya at hayskul ay pagkatapos idikit gamit ng glue at nung nilipad ng hangin ay talagang pinukpok na sa ating isipan ang kasabihang

"Ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mas mabaho pa sa malansang isda o kaya sa isang medyas ng basketbolista na hindi nalalabhan ng limang buwan."
Isa pa ay hindi ba ninyo alam na kapag hindi natin ginagamit ang ating sariling wika ay maglalaho ito na parang bula? Nakakalungkot isipin na ang isang bahagi ng ating kultura ay mawawala lang dahil sa kolonyal mentality o sa makabagong termino na ‘globalization’. Ikinahihiya ba natin ang pag-gamit ng Filipino? Dapat lang itong gamitin at paglinangin dahil ito ay ating tungkulin bilang mamamayan ng Pilipinas. Kaya humayo kayo at magparami---este, paunlarin ang wikang Filipino habang ako naman ay magtitimpla pa ng mainit na tsokolate.

Ay, oo nga pala. May nakalimutan ako. Pagpasensiyahan po ninyo ang Filipino ko at hindi ako eksperto dahil ilang dekada na ang lumipas mula nang matutuhan ko ito mula sa guro ko noong hayskul. Hindi  po ako nagsasalita ng Tagalog kundi Filipino. May kaibahan ang dalawa kaya lang mamaya ko na ipapaliwanag at ang tsokolate ko ay nagaantay na.

No comments:

LinkWithin

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...